Tuesday, February 14, 2006

Panaginip

Ikaw ay akin habang sumisikat ang araw
Habang maliwanag pa ang mundo
Ngunit pagpasok ng dilim,
pagdating ng buwan at ng mga bituin,
Ika'y sakop na ng gabi
at unti-unting nawawala sa akin

Pikit-mata, tumatakas ka sa yakap ng paniginip
at iniiwan akong nag-aantay sa iyo

Pilit kong sinasara ang aking mga mata
Umaasang sumunod sa iyo
Ngunit ako'y napupunta sa ibang lugar
kung saan namumuhay
ang mga usa at agila

Kung saan ang mga bituin ay kumikislap
kahit sumisikat pa rin ang araw
kung saan matatagpuan
ang lahat ng mga alaala
na nanggaling sa aking kamusmusan

Kung saan
wala ka

Nasaan ka ngayon?
Nakaupo sa itaas ng bahaghari sa kalangitan?
Nakasakay sa isang higanteng hayop sa Delhi?
Lumalaban sa digmaan ng Mactan?
Lumalangoy sa ilog ng Jordan?

Nais kitang makasama sa iyong panaginip
sapagkat ito ang iyong huling lihim sa akin

Ikaw ay akin habang sumisikat ang araw
Habang maliwanag pa ang mundo
Ngunit pagpasok ng dilim,
Iniiwan mo akong nag-aantay sa iyo